-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nahuli na ng mga otoridad ang babaeng suspek sa pagdukot sa bagong silang na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital, ngayong hapon, matapos itong unang i-hold ng mga personnel ng isang pribadong ospital sa lungsod ng Koronadal.

Ayon sa paunang impormasyon, napansin ng security at staff ng naturang ospital ang kahina-hinalang kilos ng suspek na may bitbit na sanggol at agad itong pinigilan habang iniimbestigahan ang pagkakakilanlan nito.

Dito nadiskubre na tugma ang suot at pagdadala ng babae sa inilalarawan ng pamilya ng nawawalang sanggol.

Agad na ipinagbigay-alam ng pamunuan ng ospital sa pulisya ang insidente, dahilan para mabilis na respondehan ng mga tauhan ng Koronadal CPS at arestuhin ang babae.

Narekober naman ang bagong silang na sanggol na nasa maayos na kalagayan at agad na naisailalim sa medical check-up bago muling ibinalik sa kanyang mga magulang.

Matatandaang nagpanggap na hospital staff ang suspek habang dinudukot ang sanggol mula sa provincial hospital kamakalawa, na nagdulot ng matinding pangamba sa pamilya at sa publiko.

Lubos naman ang pasasalamat ni Ryan Malinog, ama ng sanggol, at ng kanyang asawa matapos na ligtas na maibalik sa kanila ang kanilang baby. Ayon sa pamilya, malaking ginhawa ang agarang pagkakahuli sa suspek.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang interogasyon sa babae habang inaalam ng mga imbestigador ang tunay na motibo kung bakit nito ginawa ang krimen. Nahaharap ang suspek sa kasong kidnapping and serious illegal detention.