Magpapatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng special payout sa susunod na linggo para sa mga tricycle driver sa Metro Manila.
Ito ay matapos hindi nakatanggap ang mga ito ng P5,000 ayuda ngayong linggo dahil sa aberya o wala sa master list.
Tiniyak ni DSWD spokesperson Asec. Irene Dumlao na maa-accommodate ang mga hindi nabigyan ng cash aid, habang tuloy-tuloy din ang pagtulong sa Crisis Intervention Unit.
Kabilang dito ang mga tricycle driver sa Metro Manila na hindi nakakuha ng ayuda noong nakaraang araw o wala sa orihinal na listahan.
Isasagawa ang special payout sa iba’t ibang mga lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga driver na lumapit sa kanilang TODA officer o sa DSWD help desk sa mga payout site para maisama sa listahan. Kailangan lamang magdala ng valid driver’s license at photocopy nito.
Bukod sa mga tsuper ng tricycle, magsisimula rin ang ayuda para sa iba pang sektor ng transportasyon tulad ng TNVS sa araw ng Martes, Jeepney sa Miyerkules, Delivery sa Huwebes o Biyernes, at Motorcycle Taxi sa Sabado sa susunod na linggo.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapatuloy ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.













