KORONADAL CITY – Mangunguna ang Diocese of Marbel sa gaganaping pagtitipon sa Rehiyon 12 sa darating na Nobyembre 30, bilang panawagan para sa pagbabago at katarungan sa gitna ng lumalalang suliranin ng korupsyon sa bansa. Ito ang iniharap sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Fr. Angel Buenavides, Vicar General ng Diocese of Marbel.
Layunin ng pagtitipon ang panalangin para sa pagpapagaling at kapatawaran, kasabay ng pagtatampok sa aktibong pakikilahok ng bawat Pilipino para sa tunay na pagbabago.
Ayon kay Fr. Angel, sisimulan ang programa sa Penitential Walk, kung saan magsasagawa ng pagninilay-nilay at paghingi ng tawad ang mga kalahok sa apat na assembly areas sa General Santos City bago maglakad patungo sa Notre Dame of Dadiangas University.
Susundan ito ng Cultural Presentations at Selebrasyon, kung saan ipapakita ang kayamanan ng kultura ng Mindanao at maririnig ang panaghoy at pag-asa ng kabataan.
Iba’t ibang kabataan mula sa iba’t ibang sektor, relihiyon, at grupo ang magsisilbing tagapagsalita sa bahaging ito.
Magwawakas ang programa sa Selebrasyon ng Kanta at Sayaw na Kultural, na lalahukan ng mga komunidad mula South Cotabato, Sarangani, at General Santos City.
Dagdag pa ni Fr. Angel, ang pagtitipon ay hindi isang politikal na rally, kundi isang panawagan para sa pagbabago sa indibidwal, istruktura, at institusyon, kabilang ang pagpapalakas ng kultura ng transparency at accountability, pananagot sa mga nagnakaw at nagpasasamantala sa mahihirap, at pagtatapos ng political dynasty sa bansa na nagdudulot ng paghihirap sa mga mamamayan.












