KORONADAL CITY – Nahaharap ngayon sa matinding imbestigasyon ang babaeng dumukot sa bagong silang na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital matapos itong mahuli nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 24.
Ayon sa ama ng sanggol na si Ryan Malinog, lubos ang kanilang pasasalamat dahil ligtas at walang anumang pinsalang naibalik sa kanila ang kanilang baby. Sa katunayan, sinabi pa ni Malinog na binilhan pa umano ng suspek ng mga gamit ang bata, at lahat ng ito ay kulay asul.
Malaking ginhawa para sa mag-asawang Malinog na, matapos ang ilang oras na paghahanap at pag-aalala, ay muli na nilang nayakap ang kanilang anak na pinangalanan nilang Baby Yanna.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Koronadal City Police Station ang suspek, na inaasahang haharap sa kasong kidnapping and serious illegal detention.
Patuloy ding inaalam ng mga imbestigador ang tunay na motibo ng babae kung bakit nito dinukot ang bagong silang na sanggol.













