-- ADVERTISEMENT --

Pinatawan ng contempt ng Senate Blue Ribbon Committee ang contractor na si Curlee Discaya matapos na mabuking na magkakasalungat ang kanyang pahayag kumpara sa excuse letter ng kanyang asawang si Sarah Discaya.

Sa pagdinig, tinanong ni Senate President Vicente Sotto III kung bakit hindi nakadalo si Sarah sa ika-apat na pagdinig ng Senado. Ayon kay Curlee, hindi nakadalo ang kanyang asawa dahil sa iniindang kondisyon nito sa puso.

Ngunit sa sulat na ipinadala ni Sarah at binasa ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, nakasaad na ang dahilan ng kanyang pagliban ay dahil may nakatakdang meeting siya kasama ang kanyang mga empleyado.

Dahil dito, kinuwestyon ng mga senador ang kredibilidad ni Curlee at binigyang-diin na tila nililito nito ang komite. Agad siyang pinatawan ng contempt at inatasang ikustodiya sa Senado hanggang hindi siya nagbibigay ng tuwirang paliwanag at nakikipagtulungan sa imbestigasyon.

Dagdag pa rito, nagbabala ang mga senador laban sa iba pang testigong magsusumite ng maling impormasyon o hindi sisipot sa mga nakatakdang pagdinig, dahil maari rin silang patawan ng parehong parusa.