Nakaranas ng matinding karahasan ang isang 19-anyos na college student matapos itong matagpuang patay sa loob ng kanilang kwarto sa Purok 3-A, La Filipina, Tagum City, Davao del Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Sophia Marie G. Coquilla, estudyante ng UP Manila, na nagtamo ng 38 na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga suspek ang kwarto ng biktima at pinatay gamit ang kutsilyo at iba pang matitigas na bagay. Nawala rin ang ilang personal na gamit ng biktima gaya ng laptop, cellphone, relo, at iba pa.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto ang dalawa sa apat na suspek matapos matukoy sa CCTV footage. Narekober din ang ilang gamit ng biktima sa boarding house ng mga suspek.
Ang dalawang naarestong suspek ay menor de edad at kasalukuyang nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD).
Ayon sa pulisya, ang motibo ng krimen ay robbery with homicide.
Napag-alamang pamangkin ng kasalukuyang konsehal ng Tagum City na si Engr. Jun Coquilla ang biktima.