Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang 17-anyos na buntis na babae sa Barangay Pinaring, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, na inilibing na kahapon matapos umano’y patayin ng sarili nitong mister.
Batay sa ulat ng pulisya, mismong suspek na asawa ang umamin sa pagpatay sa kanyang misis. Inilahad nito sa mga imbestigador na kanyang sinaksak at pinagpapalo ng bangko ang biktima sa loob mismo ng kanilang tahanan. Ayon sa paunang impormasyon, naganap ang krimen sa gitna umano ng pagtatalo ng mag-asawa.
Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar at inaresto ang suspek na si Akyas Akmad, 21-anyos, isang magsasaka at residente rin ng Barangay Pinaring.
Nadala pa sa ospital ang biktima na kinilalang si Alyas Hanna, menor de edad at umano’y buntis, ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa malalalim na saksak at matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy namang sinisiyasat ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng krimen habang inihahanda ang mga kaso laban sa suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan. Ang pamilya ng biktima ay nananawagan ng hustisya para sa batang ina.













