KORONADAL CITY – Arestado ang isang barangay kagawad at kanyang sibilyang bodyguard matapos makumpiskahan ng mga baril at bala sa isinagawang search warrant operation ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan alas-6:05 ng umaga noong Pebrero 25, 2026.
Kinilala ang mga naaresto na sina Alyas Joey, 54-anyos, binata at kasalukuyang Barangay Kagawad ng Barangay Palumbi; at ang kanyang bodyguard na si Alyas Tonio, 56-anyos, may asawa at parehong residente ng Barangay Palumbi, Lambayong, Sultan Kudarat.
Isinilbi ang Search Warrant No. 2026-06 na nilagdaan ni Hon. Felix F. Mesa, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 20 sa Tacurong City.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group Sultan Kudarat Provincial Field Unit 12, kasama ang iba pang yunit ng kapulisan, ang operasyon.
Sa paghalughog sa bahay ng kagawad, narekober ang isang Bushmaster M16 rifle na may scope, dalawang steel magazine at mga bala nito; walong live ammunition ng 7.62 rifle; at isang caliber .45 pistol na may siyam na live ammunition at magazine.
Ayon sa imbestigasyon, walang maipakitang kaukulang dokumento para sa mga nasabing armas ang mga suspek.
Nahaharap ngayon sina Pande at Biala sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at kasalukuyang nasa kustodiya ng SK CIDG PFU12 para sa tamang disposisyon ng kaso.













