Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang bagyo na binigyan ng lokal na pangalang Francisco, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Bandang alas-10 ng gabi ng Hunyo 20 nang makapasok sa PAR ang tropical cyclone na may international name na Mekkhala. Huling namataan ang sentro nito sa layong 1,295 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 115 kilometro kada oras. Inaasahan naman itong patuloy na lalakas at maaaring umabot sa kategoryang typhoon sa mga susunod na oras.
Bagama’t malayo pa sa kalupaan, inaasahang palalakasin ng bagyo ang habagat na magdudulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa. Kabilang sa mga maaaring makaranas ng pag-ulan ang Siquijor, Camiguin, at mga bahagi ng Davao Oriental, Davao Occidental, at Sarangani.
Sa Lunes naman, inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang Romblon, mga lugar sa Visayas, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Camiguin, Surigao del Norte, at Dinagat Islands.
Patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang galaw at lakas ng bagyo, habang posible ring magtaas ng tropical cyclone wind signals sa ilang lugar depende sa magiging paglapit at paglakas nito.













