-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso sa Pilipinas ng bagong COVID-19 variant na tinatawag na “Cicada” (BA.3.2), na natukoy na sa ilang bansa kabilang ang Estados Unidos.

Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, mas mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong taon kumpara sa nakaraang taon. Dagdag pa niya, hindi na rin kasingdalas ang isinasagawang genomic sequencing dahil hindi na itinuturing ang COVID-19 bilang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC).

Nilinaw ni Domingo na wala pa silang natutukoy na Cicada variant sa bansa, at kahit pa magkaroon nito, hindi ito agad dapat ikabahala.

Natukoy ang naturang variant noong Nobyembre 2024 sa South Africa at kabilang ito sa Omicron lineage ng virus.

Ayon sa World Health Organization (WHO), natukoy na ang BA.3.2 sa 23 bansa at wala pang ebidensiyang nagpapakita na nagdudulot ito ng mas malalang sakit, problema sa pagsusuri (diagnostic failure), o pagbawas sa bisa ng mga kasalukuyang antiviral kumpara sa ibang Omicron variants.

Bagama’t may kakayahan itong umiwas sa immune response o tinatawag na “immune escape,” sinabi ng WHO na hindi ito nagdudulot ng dagdag na panganib sa pampublikong kalusugan kumpara sa mga umiiral na variant.

Sinang-ayunan din ito ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na nagsabing batay sa mga pag-aaral sa laboratoryo, may kakayahan ang BA.3.2 na umiwas sa antibodies, kaya mahalaga pa rin ang patuloy na genomic surveillance at pagsusuri sa bisa ng mga bakuna at antiviral treatments.

Ayon pa kay Domingo, likas na nagkakaroon ng mga bagong variant ang mga virus tulad ng COVID-19.

Binigyang-diin niya na hangga’t walang inilalabas na babala ang WHO o iba pang pandaigdigang ahensiya sa kalusugan, wala pang dahilan upang mabahala. Patuloy aniya ang pagpapatupad ng mga karaniwang pag-iingat at infection control measures.

Sa ngayon, nakatuon ang DOH sa pagtugon sa mga sakit na kaugnay ng mainit at tuyong panahon, gayundin sa paghahanda ng mga plano para sa pambansang sistema ng kalusugan sa gitna ng umiiral na national energy emergency.