-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patay ang isang 35-anyos na babae matapos itong mabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa isang pedestrian lane sa tapat ng Barangay Hall ng Brgy. Sto. Niño nitong Huwebes ng gabi, Marso 12.

Kinilala ng Koronadal City Police Station ang biktima na si Grace Fernandez Tuco, residente ng Bagong Silang, Barangay Sta. Cruz ng lungsod na ito.

Batay sa imbestigasyon ng Traffic Investigation Section sa pamumuno ni PMSg Daniel E. De Gracia, naglalakad ang biktima sa pedestrian lane nang mahagip ito ng isang itim na Kawasaki Bajaj motorcycle (Plate No. 660 MDC).

Ang motorsiklo ay minamaneho ng isang 17-anyos na binata na kinilalang si Joshua Khurt Noynoy Arroyo, residente ng Purok Bagong Sikat, Brgy. GPS.

Ayon sa ulat, binabaybay ng motor ang Provincial Road galing sa direksyon ng National Highway patungong Barangay Rotonda nang maganap ang aksidente bandang alas-6:50 ng gabi.

Dahil sa lakas ng impact, kapwa nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang driver at ang pedestrian.

Agad silang isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) para malapatan ng lunas.

Gayunpaman, idineklara ni Dr. Mark Anthony B. Arteda na Dead on Arrival (DOA) ang biktimang si Tuco bandang alas-7:23 ng gabi.

Sa kasalukuyan, nananatili sa ilalim ng imbestigasyon ng mga awtoridad ang nasabing insidente habang nakikipag-ugnayan pa sa mga kampong sangkot.