KORONADAL CITY – Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Nhiezer Rolliene Jane Aguacito, 24-anyos na nurse, matapos siyang madamay at mapatay kasama ang tricycle driver na si Iven Conde sa pamamaril na nangyari sa Barangay City Heights, General Santos City noong Lunes, Pebrero 2,2026.
Ayon kay Miggy Anday, asawa ni Nhizer, sobrang sakit at halos di niya matanggap ang pangyayari lalo na at maliit pa ang anak nilang babae na sa murang edad ay nawalan ng ina.
Dagdag pa nito, dapat na madakip at maparusahan na ang mga suspek na responsable sa pagkitil ng buhay ni Nhiezer habang siya ay pauwi galing sa grocery.
Matatandaan na sa panayam ng Bombo Radyo kay Romil Aguacito, amay ni Nhiezer, hiling nila na bago sana ilibing ang biktima ay mahuli na ang pumatay sa kanya.
Kung maalala, habang sakay sa tricycle, tinambangan at pinagbabaril sila ng mga armadong lalaki sa Aparente-Salvani intersection.
Ayon naman kay Colonel Nicomedes Olaivar Jr., direktor ng GSC Police, si Conde ay namatay kaagad sa lugar habang si Aguacito ay idineklara nang dead on arrival sa ospital.
Ang mga suspek agad na tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng General Santos City Police Office, katuwang ang Police Regional Office 12 at lokal na pamahalaan, upang makamit ang hustisya para sa biktima kung saan may sinusundan na umano ang pulisya na motibo at identity ng mga suspek.
Samantala, kwento ng asaw nito at ama, si Nhiezer Aguacito ay isang mabait at matulunging nurse sa ospital ng GSC at nakatira sa Oringo, Barangay City Heights.
Siya ay residente ng Esperanza, Sultan Kudarat kung saan siya nakaburol sa ngayon.
Kasabay nito, hinihikayat ng pulisya ang publiko na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga suspek upang mas mapabilis ang imbestigasyon at makamit ang hustisya para sa mga naulila.













