-- ADVERTISEMENT --

Malabong baligtarin ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang naunang desisyon na nagsasabing fit si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang humarap sa kaniyang Confirmation of Charges hearing na nakatakdang magsimula sa Pebrero 23, 2026.

Ito ang pananaw ni Atty. Kristina Conti, assistant counsel sa ICC, na nagsabing bagama’t may ilang maliliit pang isyu, wala na umanong malalaking hadlang upang ituloy ang naturang pagdinig—lalo na pagdating sa logistics at protocol.

Nauna nang umapela ang kampo ni Duterte sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I, na umano’y nagkamali dahil hindi umano nito isinasaalang-alang ang medical reports mula sa neurologist at neuropsychologist ng depensa.

Gayunman, ayon kay Conti, hindi makabubuti sa kampo ni Duterte ang patuloy na pagpapaliban ng hearing, lalo’t malinaw na tinukoy ng korte ang kakayahan ng dating pangulo na makilahok sa mga pre-trial proceedings.

Sa isang redacted review, iginiit ng Pre-Trial Chamber I na may sapat na cognitive condition si Duterte upang dumalo sa mga pagdinig, at hindi lamang ito nakabatay sa medical reports ng alinmang panig kundi sa kabuuang pagsusuri ng korte.