-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY –  Binawian ng buhay ang isang 31-anyos na truck driver matapos itong barilin ng sarili niyang ama sa gitna ng matinding di pagkakaunawaan sa Sitio Lower Supon, Brgy. San Jose, Koronadal City.

 Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Kapitan Danilo Sintin, kinilala nito ang nasawing biktima na si Junerey Arim Sisnorio. Kinumpirma rin ng kapitan na ang suspek na si Jerry Sintin Sisnorio, 53-anyos, ay isang dating preso sa kanilang lugar.

Sa panayam naman ng Bombo News Team sa asawa ng biktima , hindi nito mapigilan ang paghihinagpis at katarungan ang sigaw para sa asawang si Junerey. Ayon sa imbestigasyon nina PCMS Richard Ballesta at Pat Nico Montefalcon, nag-ugat ang trahedya dakong alas-8:45 ng umaga habang natutulog ang suspek sa bahay ng isa pang anak na si Jomar.

Bigla umanong nilusob ng biktimang si Junerey ang kanyang ama habang armado ng bolo.

Dahil sa banta sa kanyang buhay, mabilis na nakadampot ng improvised 12-gauge shotgun ang amang suspek at pinaputukan ang biktima sa kanang bahagi ng dibdib na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek pagdating ng mga otoridad.

Samantala,  narekober naman  ang baril na ginamit ng suspek sa pagpatay sa sariling anak.

Sa ngayon, balik-selda ang ama at mahaharap sa kasong parricide