-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Isinailalim sa psychological intervention ng Department of Social Welfare and Development Region XII ang ama ng batang sinapak matapos matalo sa isang pushbike competition sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Loreto Cabaya Jr., Regional Director ng DSWD XII, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cabaya, sumailalim ang ama sa psychometric examination upang matukoy ang kanyang emosyonal at mental na kalagayan.

Ipinaliwanag umano ng ama na nadala lamang siya ng kanyang damdamin at hindi nito gusto ang nangyari kaya’t humingi siya ng paumanhin.

Sa pakikipag-ugnayan din ng DSWD XII sa lokal na pamahalaan, unang nagsagawa ng case conference ang MSWDO Polomolok upang talakayin ang pangyayari at maayos ang intervention plan para sa pamilya.

Kasama rito ang monitoring sa tahanan, psychosocial intervention kabilang ang counseling at emotional guidance, at pinansyal na tulong para sa pamilya.

Iginiit din ni Cabaya na patuloy nilang pinapangalagaan ang bata, habang sinusuri ang sitwasyon sa loob ng kanilang tahanan upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap at susuriin din kung maaari pa bang manatili sa custody ng kanyang ama.

Subalit mariing kinondena ng ahensya ang ginawa ng ama kaya’t nanawagan ang opisyal sa publiko na huwag mag-atubiling lumapit sa DSWD kung may mga problema sa loob ng pamilya o sa komunidad upang maagapan at mabigyan ng tamang suporta.