-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Ipinatawag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Rehiyon 12 ang isang ama sa Surallah, South Cotabato, matapos itong suntukin ang sariling anak matapos matalo sa isang push bike competition.

Ito ay matapos na makunan ng video ang ginawa ng ama na pagsapak sa babaeng anak matapos matalo sa kompetisyon na nagdulot ng pagkakatumba nito kasama ang kanyang bisikleta.

Agad itong umani ng matinding batikos mula sa publiko at social media, at nag-viral sa iba’t ibang platform dahil sa nakuhang video ng insidente.

Kasalukuyang isinasailalim ang ama sa psychological evaluation upang matukoy ang kanyang kalagayan at matulungan sa tamang interbensyon.

Ayon sa DSWD at mga social workers, hindi lamang ang legal na hakbang ang isinasagawa kundi pati ang psychosocial support sa bata at sa kanyang pamilya.

Dagdag pa ng ahensya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa lokal na pamahalaan at barangay upang masiguro ang proteksyon at seguridad ng bata, at upang maipaliwanag sa pamilya ang tamang paraan ng paghawak sa mga ganitong sitwasyon.

Hinihikayat ng DSWD ang publiko na maging maingat sa pag-post sa social media at huwag agad husgahan ang mga sangkot hangga’t hindi pa natatapos ang masusing imbestigasyon.