Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng 6th Infantry Division (6ID) kaugnay sa pagkamatay ni Private Charlie Patigayon, 22 anyos, bagong sundalo ng Philippine Army, na nawalan ng malay habang isinasagawa ang tradisyonal na “reception rites” sa kampo ng 6th Infantry Battalion sa Datu Piang, Maguindanao del Sur noong Hulyo 30.
Dahil dito, pansamantalang inalis sa pwesto ang 21 Army personnel na kabilang sa platoong sangkot sa insidente, kabilang ang dalawang opisyal, isang commanding officer at isang executive officer na may ranggong first at second lieutenant.
Bagama’t kidney failure ang paunang ulat ng militar na sanhi ng pagkamatay ni Patigayon, iniimbestigahan pa rin ang posibilidad ng maltreatment o hazing. Tiniyak ni 6ID Commander Major General Donald Gumiran na walang kinikilingan ang imbestigasyon at papanagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot sa insidente.
Giit ng AFP, hindi nila kinukunsinti ang anumang uri ng abuso sa kanilang hanay, lalo na sa mga bagong sundalo. Siniguro rin ng pamunuan na sasampahan ng kaukulang administratibo at sibil na kaso ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga umiiral na alituntunin, na maaaring humantong sa tuluyang pagtanggal sa serbisyo.
Nakaburol na ngayon si Patigayon sa kanilang tahanan sa South Cotabato, habang patuloy na humihingi ng hustisya ang kanyang pamilya. Lubos nilang ikinalulungkot ang sinapit ng binata, na ilang buwan pa lamang matapos makapagtapos ng Candidate Soldier Course sa Camp O’Donnell, Tarlac, ay agad na nasawi bago pa man makapagsimula sa aktwal na serbisyo.
Una rito, naglabas na nang opisyal na pahayag ang 6ID hinggil sa pangyayari.