-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang legal na awtoridad nito sa pag-isyu ng Philippine visas at ang mga proseso sa passport services kasunod ng mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kumukuwestiyon sa operasyon ng ahensya.

Ayon sa DFA, nakasaad sa Section 21(3) ng Administrative Code of 1987 ang kapangyarihan nitong mag-isyu ng visa at hindi lamang nakabatay sa delegated authority mula sa Department of Justice (DOJ).

Ipinaliwanag din ng ahensya na ang 14-day visa-free entry para sa mga Chinese national ay nakabatay sa presidential directive na naglalayong palawakin ang trade, investments, tourism at people-to-people exchanges. Limitado lamang ito sa turismo at negosyo at hindi maaaring i-extend o i-convert sa ibang uri ng visa.

Tinutulan din ng DFA ang mungkahing i-outsource sa mga private service provider gaya ng VFS Global ang visa processing, dahil ang pag-apruba o pagtanggi sa visa ay isang sovereign function ng pamahalaan na hindi maaaring ipagkatiwala sa pribadong sektor.

Itinanggi rin ng ahensya ang mga alegasyon tungkol sa pag-isyu ng pekeng passport at pagpapataw ng imposibleng documentary requirements. Binigyang-diin nitong nakabatay sa Republic Act No. 11983 o New Passport Law ang mga ipinatutupad na proseso.

Dagdag pa ng DFA, hindi itinuturing na komersyal na transaksyon ang mga bayarin sa passport at visa dahil kinokolekta ang mga ito alinsunod sa itinakdang government Schedule of Fees at itinuturing na bahagi ng kita ng pamahalaan.

Ito ang naging tugon ng DFA sa mga pahayag na binitiwan sa isang programa sa radyo noong Nobyembre 7.