KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril na ikinasawi ng isang collector at pagnanakaw ng kaniyang motorsiklo sa Purok 7, Barangay Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato alas-11:30 ng umaga, Huwebes, Oktubre 29,2026.
Ito ang kinumpirma ni Kapitan Eugenio Mangilaya ng Brgy. Crossing Rubber, Tupi, South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Bernard Verano Malig-on, 25-anyos, residente ng Miasong, Tupi South Cotabato at collector ng Star Lending Company Gensan Branch.
Sa impormasyon mula sa kanyang pamilya, sa bayan ng Tupi ang area ng biktima sa pangongolekta ng pera.
Inihayag naman ni Kapitan Mangilaya na bago pa nangyari ang pamamaril ay may nakakita pa sa biktima na may kausap sa daan, ngunit nang binalikan nila ay nakahandusay na ito at duguan.
Narekober sa crime scene ang basyo ng caliber 45 na baril na ginamit ng suspek sa pagbaril sa biktima.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang motibo sa krimen, ngunit, hindi inaalis ang posibilidad na ang koleksiyon na pera at ang motorsiklo ng biktima ang target ng mga suspek.
Aminado naman ang opisyal ng barangay na pangalawang beses na itong may nangyaring krimen sa lugar dahil sa malayo ito sa mga pamamahay.
Nakatakda namang e-review ang mga CCTV sa lugar na posibleng dinaanan ng mga suspek upang ma-identify ang mga ito.
Nanawagan naman si Kapitan Mangilaya sa mga residente na huwag magpanic dahil hindi naman umano residente ng Crossing Rubber ang biktimia ngunit patuloy na maging vigilante upang hindi na maulit pa ang pangyayari.











