-- ADVERTISEMENT --

Walang naiulat na malubhang epekto sa halos 200 Pilipinong naninirahan sa Panama matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa naturang bansa.

Ayon Consul Ralf Roldan, First Secretary and Consul ng Philippine Embassy sa Mexico, sinabi niyang karamihan sa mga Pilipino sa Panama ay nasa kabisera na Panama City, na malayo sa sentro ng lindol.

Bagama’t naramdaman ang pagyanig sa lungsod, hindi naman ito nagdulot ng matinding pinsala sa mga Pilipino roon, ayon sa opisyal.

Ibinahagi rin ni Roldan na nakatakda sanang isagawa sa susunod na Linggo ang national earthquake drill sa Panama, ngunit nauna itong yanigin ng malakas na lindol.

Samantala, tiniyak ng embahada na nakahanda itong magbigay ng tulong sa sinumang Pilipinong maaapektuhan o mangangailangan ng assistance kasunod ng insidente.

Patuloy namang binabantayan ang kalagayan ng mga Pilipino sa naturang bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan at agarang matugunan ang anumang pangangailangan sa gitna ng posibleng epekto ng lindol.