Aabot sa 440 katao ang naaresto habang 76 naman ang sugatan sa nagpapatuloy na kilos-protesta ng mga estudyante sa France dahil sa siksikang klase at kakulangan sa mga guro.
Nagsimula ang mga protesta sa Paris bago kumalat sa Dijon, Lyon, Strasbourg, Lille at Marseille. Ilang paaralan ang ilang araw nang binabarikadahan ng mga estudyante bilang bahagi ng kanilang panawagan para sa dagdag na guro at mas maayos na kondisyon sa mga paaralan.
Ayon sa mga awtoridad, may ilang insidente ng paghahagis ng mga bagay sa mga pulis at pagsusunog ng mga basurahan. Gumamit naman ang mga awtoridad ng tear gas upang ma-disperse ang ilang grupo ng mga nagpoprotesta.
Giit ng mga estudyante, hindi lamang kakulangan sa mga guro ang problema kundi maging ang siksikang mga klase at mabigat na workload ng mga guro, na anila’y nakaaapekto sa kalidad ng edukasyon.
Samantala, nanawagan ang student union na USL ng mas malawak na pambansang protesta sa Oktubre 6 upang ipagpatuloy ang kanilang panawagan para sa pagbabago sa sistema ng edukasyon.
Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang mga protesta matapos ang mga insidenteng nauwi sa komprontasyon sa pagitan ng ilang demonstrador at pulis.












