Inaasahang mas tututukan ng publiko ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pagsisimula ng paglalahad ng prosecution sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, piling bank accounts at financial records lamang ni Duterte ang ihaharap bilang ebidensya sa Article 2 ng impeachment case upang mapabilis ang paglilitis.
Inaasahang mangunguna sina Representatives Chel Diokno at Terry Ridon sa presentasyon ng mga dokumento, kabilang ang mga rekord na itinuturing na mahalaga sa kanilang alegasyon.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na kabilang sa mga pinakaaabangan sa paglilitis ang usapin sa umano’y bilyun-bilyong pisong pondong iniuugnay kay Duterte.
Nakatakdang simulan sa Lunes ang paglalahad ng prosecution ng ebidensya kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth.













