Ikatlong trainset ng NSCR, dumating na sa Pilipinas; partial operations target sa 2027
Dumating na sa Pilipinas ang ikatlong 8-car trainset para sa North-South Commuter Railway (NSCR) Malolos-Tutuban segment at kasalukuyang sumasailalim sa importation process ng Bureau of Customs.
Mula rito, nakatakdang dalhin ang trainset sa Malanday Depot sa Valenzuela City para sa mga susunod na proseso.
Ayon sa Department of Transportation, binili ang mga trainset mula sa Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corporation bilang bahagi ng Contract Package 03 o Rolling Stock.
Saklaw ng NSCR ang tinatayang 147 kilometro na may 35 istasyon at mag-uugnay sa Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon. Inaasahang aabot sa halos 800,000 commuter kada araw ang makikinabang kapag fully operational na ang sistema.
Samantala, inaasahang darating naman sa Pilipinas ang isa pang trainset sa Oktubre ngayong taon.
Target ng pamahalaan na simulan ang partial operations ng NSCR sa rutang Valenzuela-Malolos, Bulacan sa ikaapat na quarter ng 2027.













