-- ADVERTISEMENT --

Handang mag-adjust ng kanilang schedule ang ilang senador para maituloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nang hindi naaapektuhan ang regular na sesyon ng Senado.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, pinag-aaralan ng majority bloc ang posibilidad na ilipat sa hapon hanggang gabi ang impeachment proceedings habang isinasagawa naman sa umaga ang regular session.

Sa panukalang bagong schedule, maaaring magsimula ang impeachment trial alas-2:30 ng hapon at magtapos alas-7:30 ng gabi. Gayunman, maaari itong pahabain hanggang alas-11 ng gabi o hatinggabi kung kinakailangan upang matapos ang pagdinig sa isang witness kada araw.

Sinabi ni Lacson na layunin nitong mabigyan ang mga senador ng sapat na oras para masusing mapakinggan at matanong ang mga testigo. Dati umanong napuputol ang impeachment hearing bandang alas-3 ng hapon dahil kailangan nang simulan ang regular session.

Positibo rin umano ang ilang minority senators sa mungkahing pagbabago sa oras ng pagdinig.

Gayunman, nilinaw ni Lacson na maaari pang baguhin ang schedule depende sa magiging sitwasyon at takbo ng trial.

Inaasahang iaanunsiyo ng Senado sa Lunes o Miyerkules ang pinal na oras ng impeachment proceedings.