-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kaniyang supplemental counter affidavit na ilan sa 25 dating security aides ni dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co ang umano’y hinikayat ni Atty. Levito Baligod na sumama sa 18 bodyguards na una nang naging testigo laban sa kaniya.

Batay sa affidavits of denial at non-participation ng 25 security aides, sinabi nilang inalok umano sila ng pera upang sumama sa mga bodyguards kahit wala silang personal na kaalaman sa mga alegasyong inilalahad.

Si Baligod ang abogado ng dating 18 bodyguards, na 14 na lamang matapos bawiin ng ilan ang kanilang naunang mga salaysay.

Ayon din sa mga affidavit, wala umanong isinagawang deliveries ang 25 security aides sa buong panahon ng kanilang employment hanggang 2025 at 2026, taliwas sa mga alegasyon ng mga dating bodyguard laban kay Romualdez.

Binanggit din ni Romualdez ang pahayag ng security aide na si Arnilo Ramirez na umano’y nagpaplano si Baligod ng ikalawang batch ng mga testigo. Ayon kay Ramirez, dinala siya kasama ang iba pa sa isang hotel noong Marso at Abril 2026 upang lumagda sa nakahanda nang affidavit.

Samantala, may magkasalungat na pahayag kaugnay sa umano’y paghahatid ng mga maleta. May mga testigong nagsabing may partikular na mga taong tumulong sa kanila, ngunit mariing itinanggi ito ng mga taong kanilang binanggit.

Isinumite ni Romualdez ang supplemental counter affidavit sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes.