Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang isang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may mataas na posibilidad na maging tropical depression.
Huling namataan ang weather disturbance sa layong 1,950 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon. Bagama’t nasa labas pa ito ng PAR, patuloy itong binabantayan dahil sa posibilidad na lumakas.
Samantala, nananatiling aktibo ang Southwest Monsoon o Habagat, na patuloy na nagdadala ng pag-ulan sa Luzon at ilang bahagi ng western Visayas.
Inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro, kung saan hindi inaalis ang posibilidad ng flash floods at landslides lalo na sa mga lugar na makatatanggap ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Makakaranas naman ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Central Luzon, Camarines Norte, Aklan, Antique at Capiz.
Para sa iba pang bahagi ng Luzon, posible ang isolated rain showers o thunderstorms, habang maaari ring makaranas ng localized thunderstorms na magdudulot ng panandaliang pag-ulan.













