-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang tinapos ni Russell Westbrook ang kaniyang 18-taong karera sa NBA, sa kabila ng mga alok mula sa ilang koponan para sa 2026-2027 season.

Napili si Westbrook bilang fourth overall pick ng dating Seattle SuperSonics noong 2008 NBA Draft, ngunit sa Oklahoma City Thunder niya sinimulan ang kaniyang karera matapos lumipat ang prangkisa sa Oklahoma.

Umabot sa 11 season ang kaniyang pananatili sa Thunder, kung saan nakasama niya sina Kevin Durant at James Harden. Noong 2012, nakarating sila sa NBA Finals ngunit natalo sa Miami Heat.

Isa sa pinakamalaking highlight ng kaniyang karera ang 2016-2017 season nang mag-average siya ng triple-double na 31.6 points, 10.7 rebounds at 10.4 assists bawat laro, na nagbigay sa kaniya ng kauna-unahang MVP award.

Sa huling bahagi ng kaniyang karera, naglaro siya para sa Houston Rockets, Washington Wizards, Los Angeles Lakers, Denver Nuggets at Sacramento Kings. Sa kaniyang huling season, nakapaglaro siya ng 58 games para sa Kings at nagtala ng average na 15.2 points, 6.7 assists at 5.4 rebounds.

Sa pagreretiro, hawak pa rin ni Westbrook ang NBA record para sa pinakamaraming triple-double. Panglima rin siya sa all-time career assists ng liga.