-- ADVERTISEMENT --

Hindi man umabot sa quarterfinals, ipinakita ni Alex Eala ang kanyang determinasyon matapos sumabak sa Canada Open 2026 sa kabila ng iniindang ankle injury.

Natapos ang kampanya ng Pinay tennis star, kasalukuyang World No. 20, sa Round of 16 matapos siyang pataubin ng dating Olympic champion at World No. 12 na si Belinda Bencic ng Switzerland, 6-4, 6-0.

Dikit ang laban sa unang set kung saan nagpalitan ng puntos ang dalawang manlalaro. Gayunman, nakahanap si Bencic ng paraan upang maagaw ang set at tuluyang makuha ang momentum.

Mas naging mahirap para kay Eala ang ikalawang set. Hindi na niya napigilan ang pag-atake ni Bencic, na tuluyang isinara ang laban sa pamamagitan ng straight-set victory.

Bago ang kanilang laban, iniinda na ni Eala ang ankle injury na natamo niya sa kanyang nakaraang laro laban kay Caty McNally. Sa kabila nito, pinili pa rin ng 20-anyos na Pinay na ipagpatuloy ang kanyang kampanya sa torneo.

Bagama’t hindi naging pabor sa kanya ang resulta, hindi nawala ang suporta ng Filipino fans na patuloy na pumalakpak at nagbigay ng lakas kay Eala hanggang sa huling punto.

Nagtapos man ang kanyang Canada Open run sa Round of 16, muling ipinakita ni Eala ang kanyang tapang at determinasyon sa international tennis stage.