Maaaring maging batayan ng impeachment ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y planong pagpapapatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Giit ni Matibag, ang naturang pahayag ay maaaring pumasok sa usapin ng betrayal of public trust at paglabag sa Konstitusyon. Para sa kanya, ang mismong pag-amin umano ni Duterte na nakipag-usap siya sa isang taong inatasang pumatay sa Pangulo ay maaari nang magsilbing basehan ng isang impeachable offense.
Kaugnay nito, nagpatotoo rin sina NBI Special Agent John Mark Calilung at NBI-BARMM Regional Director Jeremy Lotoc hinggil sa imbestigasyon sa mga bantang umano’y natanggap nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay Matibag, nanatiling magkakatugma ang testimonya ng tatlong NBI officials kahit sumailalim ito sa pagtatanong at pagkuwestiyon ng depensa.
Ipinaliwanag din niya na hindi kinakailangang mahatulan muna sa isang criminal case si Duterte bago magamit ang naturang insidente sa impeachment proceedings, dahil magkaiba ang proseso at pamantayan ng ebidensya sa dalawang uri ng kaso.
Dagdag pa ni Matibag, hindi rin sapat na depensa ang mataas na public trust rating upang maalis ang pananagutan sa isang umano’y ilegal na gawain.
Sa kanyang pananaw, maaari nang maging batayan ng impeachment proceedings ang mga alegasyon at nilalaman ng Article IV ng impeachment complaint laban kay Duterte.













