-- ADVERTISEMENT --

Posibleng bumaba ng hanggang P5 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at paglakas ng piso kontra dolyar.

Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average foreign exchange sa nakalipas na apat na araw, tinatayang P4.50 hanggang P5 kada litro ang maaaring ibawas sa presyo ng diesel at ganoon din sa gasolina, ayon sa isang industry source.

Sinabi ng source na nakaapekto sa pagbaba ng presyo ng langis ang paghupa ng tensyon sa Gitnang Silangan at ang pag-asa sa diplomatikong pagresolba sa alitan ng Estados Unidos at Iran.

Bumaba rin ang presyo ng diesel at gasolina sa Asian market kasabay ng pagbaba ng presyo ng krudo at pagliit ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis.

Dagdag pa rito, nakatulong ang paglakas ng piso laban sa dolyar upang higit pang bumaba ang inaasahang presyo ng petrolyo sa bansa.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustment tuwing Lunes at ipinapatupad ito pagsapit ng Martes.