Positibong hakbang para sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pag-usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ito ang iginiit ni dating Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Zarate, ang impeachment ay isang prosesong nakasaad sa Konstitusyon upang matiyak na may accountability ang matataas na opisyal ng gobyerno sa taumbayan.
Bagama’t naantala ang paglilitis ng halos dalawang taon dahil sa mga usaping legal, sinabi niyang mahalagang umusad na ang proseso upang maiprisinta ng magkabilang panig ang kanilang mga ebidensya.
Binigyang-diin din ni Zarate na ang isa sa mga sentrong usapin sa impeachment complaint ay ang umano’y betrayal of public trust o paglabag sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Nanawagan naman siya sa publiko na tutukan ang impeachment trial, dahil aniya, ang pananagutan ng mga pinuno ay mahalagang bahagi ng demokrasya at makatutulong sa mga botante sa paghusga sa mga magiging lider ng bansa.













