-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung ang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa sako at natagpuang palutang-lutang sa Pulangi River sa Barangay Nabundas, Malidegao, Special Geographic Area (SGA)-BARMM ay ang nawawalang hiker mula Bukidnon na si Alkharj Zamayla.

Batay sa ulat, muling hinukay ng mga awtoridad ang bangkay upang sumailalim sa DNA cross-matching. Ayon kay Malidegao Police Chief Captain Vilma Dimaraw, malaki ang posibilidad na ang natagpuang bangkay ay si Zamayla, 31 taong gulang, na halos isang buwan nang nawawala.

Nakipag-ugnayan na rin sa pulisya ang pamilya ni Zamayla matapos nilang makita sa social media ang ulat at deskripsyon ng biktima na umano’y tumutugma sa huling kasuotang suot ng kanilang nawawalang kaanak.

Matapos ang isinagawang exhumation noong Hulyo 9, nakakuha na ng DNA sample mula sa bangkay na ikukumpara sa DNA sample ng kapatid ni Zamayla.

Ayon kay Captain Dimaraw, isasagawa ang DNA examination sa Provincial Forensic Unit ng Police Regional Office-Bangsamoro (PRO-BAR) sa Parang, Maguindanao del Norte. Gayunman, maaari pang abutin ng ilang buwan bago lumabas ang opisyal na resulta.

Huling nakita si Zamayla sa Mt. Kalatungan noong Hunyo 12 bago tuluyang nawalan ng komunikasyon.

Samantala, nagpapatuloy rin ang hiwalay na imbestigasyon ng Bukidnon Police Provincial Office kaugnay sa pagkawala ni Zamayla.

Naniniwala ang Malidegao Police na biktima ng foul play ang natagpuang bangkay dahil nakagapos ito at nakasilid sa isang sako nang marekober mula sa ilog.

Nag-aalok din ang pamilya ni Zamayla ng ₱100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng nawawalang hiker.