Patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang kalagayan ni Senator Rodante Marcoleta habang nananatili siyang naka-confine sa Philippine National Police (PNP) General Hospital.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benaly Bayani, Chief of Internal Medicine ng PNP General Hospital, nakararanas ang senador ng mild pneumonia, hypertension, at degenerative disc disease, na aniya ay may kaugnayan din sa kaniyang edad.
Sinabi rin ni Bayani na maaaring kailanganin pa ni Marcoleta ng hanggang anim na rehabilitation therapy sessions, bukod sa patuloy na pag-inom ng pain relievers bilang bahagi ng kaniyang gamutan.
Dahil dito, hindi pa muna siya ililipat sa New Quezon City Jail sa Payatas habang hinihintay ng mga awtoridad na tuluyang maging stable ang kaniyang blood pressure.
Naaresto si Marcoleta noong Lunes kaugnay ng kasong plunder. Matapos ang kaniyang pag-aresto, isinugod siya sa PNP General Hospital dahil sa naranasang pananakit ng dibdib, kung saan nananatili siyang nagpapagamot.













