-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Associate Justice Karl Miranda ng Sandiganbayan Third Division ang pag-isyu ng arrest warrant laban kay Senator Rodante Marcoleta kaugnay ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman.

Batay sa reklamo, inaakusahan ang senador na hindi umano idineklara ang ₱75 milyon na campaign donations sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Kasama rin sa kaso ang dating kongresista Michael Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray, na kinasuhan din ng paglabag sa Presidential Decree No. 46 na nagbabawal sa pagtanggap ng regalo o donasyon ng mga opisyal ng gobyerno kaugnay ng kanilang tungkulin.

Ayon sa korte, ang kaso ay na-raffle sa Sandiganbayan Third Division na pinamumunuan ni Justice Miranda, habang ang iba pang kaugnay na kaso ay naitalaga sa iba pang dibisyon.

Giit ni Justice Miranda, ang pag-isyu ng warrant ay nagpapakita ng determinasyon ng hukuman na ipatupad ang batas at papanagutin ang mga opisyal na nahaharap sa alegasyon ng katiwalian. Dahil plunder ay isang non-bailable offense, inaasahang tututok ang publiko sa magiging paglilitis na posibleng maging isa sa pinakamainit na kaso sa Sandiganbayan sa mga nakalipas na taon.

Samantala, mariing itinanggi ni Marcoleta ang mga paratang at iginiit na siya ay biktima umano ng “political persecution.” Tinanggihan naman ng Malacañang ang naturang akusasyon.