-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang 2026 Palarong Pambansa ay dapat magsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino upang mangarap, magsikap, at pagyamanin ang kanilang kakayahan sa larangan ng sports.

Sa kanyang mensahe para sa pambansang palaro na gaganapin mula Mayo 24 hanggang 31 sa Prosperidad, Agusan del Sur, binigyang-diin ni Dy ang mahalagang papel ng palakasan sa paghubog ng disiplina, katatagan, at kakayahan sa pamumuno ng mga kabataan.

Ayon sa kanya, ang Palarong Pambansa ay hindi lamang tungkol sa kumpetisyon at pagkapanalo ng medalya, kundi isa ring pagdiriwang ng sipag, sakripisyo, teamwork, at tiyaga ng mga student-athlete mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Giit pa ni Dy, itinuturing nang panalo ang lahat ng kalahok dahil sa kanilang dedikasyon at pagsisikap na makarating sa pambansang kompetisyon.

Hinimok din niya ang mga atleta na makipagpaligsahan nang may integridad at dangal, habang buong puso nilang kinakatawan ang kanilang paaralan, komunidad, at rehiyon.