-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa bagong pamunuan ng Senado sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano na agad buhayin at ipagpatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects ng gobyerno.

Sa inilabas na pahayag, hinimok ni Marcos ang Senado na alisin umano ang anumang pagtatakip sa isyu at tuluyang buksan ang pagdinig hinggil sa sinasabing “flood control corruption.”

“Buksan na ang Blue Ribbon Committee. Tanggalin lahat ng takip sa Flood Control Corruption,” ani Marcos.

Partikular ding hinikayat ng senadora ang Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano, na ipatawag ang mga personalidad na umano’y may kaugnayan sa kontrobersiya.

Kabilang sa mga pinangalanan ni Marcos ang 18 dating Marines, dating kongresista na si Zaldy Co, dating Executive Secretary Lucas Bersamin, at dating undersecretary Adrian Bersamin.

Ang panawagan ay kasunod ng umiigting na usapin sa Senado hinggil sa transparency at accountability sa implementasyon ng flood control projects, na matagal nang inuugnay sa umano’y iregularidad at maanomalyang paggamit ng pondo.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na tugon mula sa Blue Ribbon Committee kaugnay sa panawagan ni Marcos na ituloy ang imbestigasyon.