Mukhang may panibagong bigat na naman sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, kung magpapatuloy ang mga indikasyon sa merkado.
Ayon sa pagtaya batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at galaw ng palitan ng pera sa nakalipas na ilang araw, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina at diesel. Tinatayang nasa ₱1.00 hanggang ₱1.30 kada litro ang posibleng dagdag sa diesel, habang ₱1.20 hanggang ₱1.50 kada litro naman sa gasolina.
Sinasabi ng mga taga-industriya ng langis na pangunahing dahilan nito ang patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa supply ng krudo sa pandaigdigang merkado. Mas ramdam umano ang pagtaas sa diesel dahil sa mahal na krudo at hindi pa rin matatag na suplay, habang ang gasolina ay apektado rin ng mataas na demand lalo na sa Estados Unidos sa pagsisimula ng summer season.
May mga senyales man ng bahagyang pagluwag sa presyo dahil sa mga usaping pangkapayapaan sa pagitan ng US at Iran, nananatili pa ring pabago-bago ang merkado dahil hindi pa rin tiyak kung kailan tuluyang hihupa ang tensyon sa rehiyon.
Karaniwang ina-anunsyo ng mga oil companies ang anumang adjustment tuwing Lunes, at ipinatutupad ito kinabukasan ng Martes.













