-- ADVERTISEMENT --

Pinag-iingat ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) ang publiko laban sa mga pekeng bookings sa kasagsagan ng summer season. Ayon sa grupo, marami sa mga ito ay nairerehistro sa iba’t ibang social media sites.

Payo ni PTAA Inbound Committee Member Fe Abling Yu sa mga bakasyunista: tiyaking lehitimo ang mga nakakausap, may tunay na contact number, at aktwal na address bago magpadala ng bayad para sa mga nakaplanong bakasyon. Aniya, mahalagang beripikahin muna ang background, business information, at iba pang detalye ng travel agency o booking site.

Pinag-iingat din ni Yu ang publiko sa basta-basta pagbabayad gamit ang e-wallet o iba pang digital na paraan, dahil madalas itong ginagamit ng mga scammer.

Ginawa ng PTAA ang babala kasabay ng inaasahang pagdami ng mga nagbabakasyon ngayong summer, na posibleng sinasamantala rin ng mga pekeng booking sites at scammer.