Wala mang namomonitor na bagyo, nagbigay ng babala ang State Weather Bureau (PAGASA) sa publiko hinggil sa posibleng banta ng flash floods at landslides ngayong Biyernes Santo, dulot ng easterlies at localized thunderstorms.
Ayon sa pinakabagong ulat ng PAGASA, walang Low Pressure Area (LPA) na namomonitor sa loob ng bansa na maaaring maging bagyo. Ngunit, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang panaka-nakang pag-ulan sa mga lugar tulad ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), at Cagayan Valley dahil sa epekto ng localized thunderstorms.
Samantala, ang easterlies na dumadaan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas ay magdudulot din ng mga biglaang pagbuhos ng ulan at pagkidlat-pagkulog. Ayon sa PAGASA, asahan ang mga flash floods o landslides lalo na sa mga mabababa at bulubunduking lugar kapag nakaranas ng malalakas at matinding severe thunderstorms.
Karagdagang detalye sa lagay ng panahon:
- Hangin: Mahina hanggang katamtamang hangin mula sa silangan hanggang timog-silangan ang iiral sa Northern Luzon. Sa ibang bahagi ng bansa, ang hangin naman ay magmumula sa hilagang-silangan hanggang silangan.
- Alon: Magiging banayad hanggang katamtaman ang alon sa mga baybaying dagat sa buong bansa. Dahil dito, walang nakataas na gale warning, kaya’t ligtas pa rin ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.
Mga paalala:
Ang publiko, lalo na sa mga baba at bulubunduking lugar, ay pinapayuhang maging alerto at handa sa mga biglaang pag-ulan na maaaring magdulot ng flash floods at landslides.













