-- ADVERTISEMENT --

Tinitingnan ng Philippine National Police na posibleng ganti ng isang local terrorist group (LTG) ang madugong pananambang sa Maguindanao del Sur na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlo pa noong katapusan ng linggo.

Sa isang briefing sa Camp Crame, sinabi ni Randulf Tuaño na patuloy ang follow-up operations ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao laban sa mga suspek, na tinatayang nasa sampung armadong kalalakihan.

Bagama’t hindi pinangalanan ang grupo, inihayag ng PNP na posibleng may kaugnayan ang pag-atake sa sunod-sunod na pagkatalo at pagkakaaresto ng nasabing grupo sa mga operasyon ng pamahalaan mula pa noong Oktubre.

Nilinaw naman ng pulisya na wala silang nakikitang ugnayan ang insidente sa pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o sa anibersaryo ng New People’s Army.

Samantala, kinumpirma rin ng PNP na nasa ligtas nang kalagayan ang tatlong sugatang pulis at patuloy ang kanilang paggaling.

Patuloy ang imbestigasyon habang pinaigting ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.