-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Arestado ang isang empleyado ng gobyerno sa isinagawang magkasanib na buy-bust operation sa Purok 3B, Bartolaba Subdivision, Barangay Lanao, Kidapawan City noong Pebrero 20, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cotabato Provincial Office katuwang ang Kidapawan City Police Station at Cotabato Provincial Police Office – Drug Enforcement Unit.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Jay,” 50-anyos, binata, at empleyado ng Kidapawan City Water District.

Nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 10.1 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na humigit-kumulang ₱68,680. Narekober din ang marked buy-bust money, isang itim na pouch, at isang cellphone.

Batay sa rekord, ang suspek ay nasa ilalim ng preventive suspension nang walang sahod sa loob ng isang taon simula Pebrero 2, 2026 kaugnay ng mga kasong administratibo.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Article 151 ng Revised Penal Code.