Arestado ang isang dumuluong matapos ma-intercept ng Bureau of Customs (BOC) ang P55.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa mga dala nitong Bibliya sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Lungsod ng Pasay.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ang pasahero, isang German-national, ay dumating mula sa Addis Ababa, Ethiopia at naharang matapos madetect ng X-ray ang mga irregular na imahe sa kanyang bagahe.
Nang isagawa ang physical examination ng mga operatiba ng BOC, doon natuklasan ang shabu na nakatago sa mga hollowed-out na Bibliya.
Umabot sa 8,145 grams at nagkakahalaga ng P55.38 milyon ang nakumpiskang iligal na droga. Kinumpirma ng K9 unit na ito nga ay shabu.
Ang German-national ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at haharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.













