-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyang bineberipika ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga ulat kaugnay sa pagkamatay ng isang mamamayang Pilipino sa Ukraine na umano’y na-recruit upang lumaban kasama ng puwersa ng Russia. Kinilala ang nasabing indibidwal bilang John Patrick.

Batay sa paunang impormasyon, sumailalim si John Patrick sa isang linggong pagsasanay bago siya ipadala sa isang assault mission malapit sa nayon ng Novoselivka sa distrito ng Kramatorsk. Ayon sa mga ulat, siya ay nasawi dahil sa mga pinsalang natamo sa naturang misyon.

Lumalabas sa mga detalye ng insidente na sandata, bala, at isang maliit na papel lamang ang dala ni John Patrick, na naglalaman ng numero ng kanyang yunit, numero ng telepono, at pangalan ng kanyang komandante. Naiulat din na hindi siya marunong magsalita ng Ruso. Dagdag pa rito, sinasabing may nakuhang electronic device mula sa kanya na naglalaman umano ng impormasyong may kaugnayan sa mga pamamaraan ng recruitment ng Russia.

Patuloy na kinukumpirma ng DFA ang mga impormasyong ito at magsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon upang makapagbigay ng karagdagang detalye.