-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa kritikal na kondisyon at patuloy na ginagamot ngayon sa ospital ang isang 23-anyos na binatilyo mula sa South Cotabato matapos magtamo ng malubhang paso sa kinasangkutang sunog.

Kinilala ang biktima na si Alyas “Kerker”, residente ng bayan ng Surallah, South Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Ginang Marilyn, tiyahin ng biktima, na labis umanong nabalisa ang binata habang nakaburol ang kanilang lola matapos hindi mapagbigyan sa kagustuhang makita ang kanyang kasintahan.

Ayon pa sa salaysay ng tiyahin nito, dahil hindi napagbigyan ng kasintahan dahil masama umano ang pakiramdam ay umuwi ang biktima sa kanilang bahay at naabutan doon ang kanyang 15-anyos na kapatid.

Agad umanong kumuha ng gasolina ang biktima at ibinuhos sa katawan hanggang sa sinindihan kaya’t nagliyab ito.

Humingi naman ng saklolo ang menor de edad kaya rumesponde ang mga kamag-anak, binuhusan ng tubig ang biktima upang maapula ang apoy, at agad siyang isinugod sa ospital upang malapatan ng lunas.

Sa kasalukuyan, nahihirapan ang biktima na kumain at kumilos dahil sa halos buong katawan na nalapnos ng mga paso.

Nanawagan naman ang pamilya ng tulong mula sa mga may mabubuting loob dahil sa patuloy na pangangailangan sa gastusin sa gamutan, lalo’t kamakailan lamang ay sunod-sunod na namatayan ng kaanak ang pamilya na labis na nakaapekto sa kanilang kalagayang pinansyal.