KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pamamaril-patay sa isang quary operator sa Purok Upper Valley, Barangay Sto. Niño, Koronadal City alas-10:45 kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLt.Col Peter Pinalgan Jr, hepe ng Koronadal City PNP, ang biktima ay kinilalang si Rene Buyco, 53 anyos, may asawa at quary operator na residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Pinalgan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nakaupo lamang sa harap ng kanilang bahay ang biktima nang biglang lumapit ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo (riding-in-tandem) at walang anumang sinabi na agad itong pinaputukan na tinamaan naman sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad na dinala ang biktima sa hospital para sa agarang gamutan, ngunit idineklarang patay ng doktor.
Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Reven, anak ng biktima, sinabi nitong: “Kagabi, parang may nag-iikot na mga tao sa bahay na tinatahol ng aso at parang kakaiba ang sitwasyon. Kalaunan ay narinig ko ang pitong tunog ng baril na hindi ko inaasahang, ang ama ko na pala.
Napag-alaman na mula sa crime scene, nakatakbo pa ang biktima papunta sa kanilang bahay at humingi ng tulong sa mga anak nito.
Sa ngayon, wala pang matukoy na motibo ang pamilya sa pagpatay kay Rene.
Nanawagan ang pamilya ng ng hustisya kung saan idinidiin nila na sana makonsensiya ang mga suspek, dahil labis ang lungkot at sakit na dulot ng insidente sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito, ipinasiguro naman ni Pinalgan ng Koronadal City PNP na patuloy ang pangangalap ng mga ebedensiya upang matukoy ang suspek at ang posibleng motibo ng krimen.













