KORONADAL CITY – May sinusundan na umanong persons of interest ang pulisya kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang 21-anyos na graduating student ng Mindanao State University–Gensan.
Ito ay matapos natagpuan ang biktima na duguan at tadtad ng saksak sa loob ng kwarto nito sa Purok DBP, Barangay Apopong, General Santos City, pasado alas-8:00 ng umaga nitong Lunes, Disyembre 8, 2025.
Kinilala ng kanyang pamilya ang biktima na si Miyuki Tsukasa Kim, 21 taong gulang na residente ng nabanggit na lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, mag-isa lamang si Kim sa kanilang bahay matapos na umalis ang kanyang ina at stepfather,Linggo ng gabi, upang dumalo sa isang handaan kung saan inasahan nilang susunod ang dalaga, ngunit hindi ito dumating.
Natagpuan lamang si Kim na nakahandusay na sa gilid ng kama nito, duguan at may malalim na hiwa sa leeg.
Napansin din ng pulisya na nawawala ang pera sa loob ng silid, na maaaring isa sa motibo ng krimen.
Ikinagulat naman ng mga residente at kapitbahay nito ang kakaibang pangyayari noong gabi ng insidente.
Napansin umano ng mga ito ang maagang pagpatay ng ilaw sa bahay, na hindi karaniwan, at nakarinig sila ang tahol ng aso, ngunit hindi ito binigyang-pansin.
Sa ngayon patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya at pagtitipon ng ebidensya upang matukoy ang responsable sa buong pangyayari at ang huling taong nakasalamuha ng biktima.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima at agarang pagkakahuli sa responsable sa krimen.












