-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy na pinaghahanap sa ngayon ang bagong silang na sanggol na dinukot umano ng isang babaeng nagpakilalang empleyado ng South Cotabato Provincial Hospital.

Ito ay matapos na kinumpirma ni Ryan Malinog, ama ng sanggol na nawawala ang anak nito ay siya’y humihingi ng tulong sa publiko.

Ayon kay Malinog, ang naturang babae ay nagkunwaring tutulong sa screening process ng kanilang sanggol. Habang inaasikaso niya ang mga dokumentong kailangan para sa paglabas ng ospital, ipinagbilin niya sandali ang bata sa suspek.

Pagbalik niya, wala na ang babae at maging ang kaniyang anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ry-ry Guanzon, residente ng Purok Everlasting, Brgy. Avanceña, nakita niya umano ang suspek bandang 10:30 ng umaga, lumalabas mula sa bahagi ng kawayanan habang may dala-dalang mga bag at ang sanggol. Nagpasakay pa ito ng tricycle patungong Marbel.

Ayon sa ilang residente, nakasuot ang babae ng berdeng hospital uniform at may kalong na sanggol.

Naiwan naman nito ang isang bag na naglalaman ng pajama ng bata at sling bag, na kinumpirma ng pamilya na kanila.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at ng nawawalang sanggol.