-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpaalala si Norala Mayor Clemente Fedoc sa mga doktor, nurse, at iba pang empleyado ng Norala District Hospital na akomodahin at tratuhin nang maayos ang lahat ng pasyente, anuman ang kanilang estado sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Mayor Fedoc na tungkulin ng bawat kawani ng ospital na magbigay ng tamang atensyon at malasakit sa mga pasyente, lalo na sa mga lumalapit at nangangailangan ng agarang tulong medikal.

Ang pahayag ng alkalde ay kasunod ng nag-viral na post sa social media kaugnay sa inihahayag na kapabayaan umano ng ilang nurse at doktor sa nasabing ospital, na sinasabing nagresulta sa pagkamatay ng isang pasyente kamakailan.

Dagdag pa ni Mayor Fedoc, nagpaabot na ng tulong ang LGU Norala sa pamilya ng nasawi at nakipag-usap na siya sa mga kaukulang opisyal upang matalakay at masolusyunan ang naturang isyu.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang tamang pagtrato at pag-akomodar sa bawat pasyente, bilang bahagi ng tungkulin at serbisyo publiko ng mga nasa sektor ng kalusugan.