-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ng isang laborer na natagpuang wala nang buhay sa isang construction site sa Purok Martinez, Barangay Zone IV, Koronadal City, pasado alas-siyete kaninang umaga, Lunes, Oktubre 20, 2025.

Kinilala ang biktima na si Jun Oren, 31 anyos, isang laborer at residente ng Purok Maharlika, Barangay Zone 3 ng nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Rudy Oren, ama ng biktima, sinabi nito na isang linggo nang hindi umuuwi sa kanilang bahay ang kanyang anak at wala silang alam na kaaway ito.

Ayon kay Mang Rudy, nalaman pa niya mula sa kanyang bayaw na pauwi na sana si Jun, subalit laking gulat niya nang mabalitaan na natagpuan na lamang itong duguan at wala nang buhay.

Batay sa imbestigasyon, natagpuan malapit sa bangkay ng biktima ang isang tubo na may bakas ng dugo, na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaslang.

Nadiskubre rin ng mga pulis na nawawala ang motorsiklo ng biktima, isang Skygo 125 na kulay asul at itim, may plakang MXY 517, na pinaniniwalaang kinuha ng salarin matapos ang krimen.

Sa kasalukuyan, emosyonal na nananawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima, partikular na ang kanyang ama, at umaasa na mapabilis ang resulta ng imbestigasyon.

Sinusuri naman ng mga imbestigador ang CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at malaman ang posibleng motibo sa likod ng marahas na pagpatay.