Patay ang dalawang tao matapos lumagpas at tuluyang mahulog sa dagat ang isang cargo plane sa Hong Kong International Airport kaninang madaling-araw.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nagmula ang Boeing 747 freighter sa Dubai at inaasahang lalapag sa Hong Kong bandang alas-3:50 ng madaling-araw, ngunit nawalan umano ng kontrol habang nag-aattempt itong lumapag.
Sa lakas ng paglapag, lumagpas ang eroplano sa dulo ng runway at bumulusok sa karagatan na ilang metro lamang ang layo mula sa paliparan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dalawang personnel ng airport ground crew ang nasawi matapos tamaan ng bahagi ng eroplano habang isinasagawa ang operasyon sa runway. Agad namang rumesponde ang mga rescue team at dive units ng Hong Kong Fire Services Department upang isalba ang mga crew ng eroplano.
Sa ngayon, patuloy ang retrieval operations at iniimbestigahan na rin ng Civil Aviation Department ng Hong Kong ang sanhi ng insidente — kabilang na ang posibilidad ng mechanical failure o human error.
Ang mga detalye sa kondisyon ng piloto at iba pang sakay ng cargo plane ay patuloy pang bineberipika.